Tuesday, April 2, 2019

Sa Mga Nagmomotor



Hit and Run

Naparami na pong nakapanood ng videong ito at huwag na po nating ipakita yung parte ng impact.

Ngunit dapat po natin itong talakayin at pagnilay nilayan.

Malaking pasasalamat sa nagbigay ng dash cam video dahil malaking tulong po ito sa mga imbestigador.

Namatay na po ang isang biktima at sumuko na po sa pulis ang driver ng sasakyan.

Sana po ay maging malaking aral po ito sa ating lahat.

Tandaan

Ibayong pag-iingat po ang kailangan sa kalsada.

Sa mga driver ng sasakyan, huwag pong masyadong mayabang at mainit ang ulo. At huwag pong gagawa ng mga bagay na pagsisihan nyo sa bandang huli.

Sa mga driver po ng motorsiklo at sa mga angkas, mas lalo pong ibayong pag-iingat ang kailangan at huwag din po magpadala sa emosyon. Wala pong kalaban laban ang motor sa mga sasakyan, kaya kung makakaiwas po sa digrasya, kayo na po ang magbigay.

Sa driver po ng sasakyan ito, mabuti naman at sumuko ka na.

Friday, March 1, 2019

Para Sa Mga Mareklamo

LRT Wikimedia Commons, Wieralee

Huwag sana tayo maging mangmang sa kalagayan ng mga ibang tao sa ibang bansa para hindi naman puro reklamo na lamang ang past time natin.

Kasi naman po, maraming mga kababayan naman natin ang alam lamang ay magreklamo.

Kagaya ng mga nagrereklamong marumi ang kapaligiran. Ngunit sila naman ang walang pakundangan kung makalat ng kanilang basura kung saan saan.

Yung iba, reklamo nang reklamo sa trapiko. Ngunit sila naman ang pawang walang disiplina pagdating sa kalsada.

At yung iba reklamo nang reklamo sa LRT o MRT. Siyempre naman, kasi naka asar naman po talaga.

Ngunit karamihan sa mga mareklamo nating kababayan, sa malamang hindi pa nakakarating sa mga ibang malalaking siyudad sa mga ibang bansa.

Minsan din, kailangan namang makita ang kalagayan sa ibang bansa, para malaman na medyo masuwerte pa rin pala sila kumpara sa iba.

O, eto sakay ka na. At subukan mo kayang bumaba kapag estasyon mo na.


O sige bukas, pagsakay mo sa LRT medyo matatanggap mo na nang kaunti ang pagbiyahe mo. Oo, wala na talagang sarahan ng pinto.





Sunday, February 10, 2019

Ano Ba Yan?



Maynila, bakit naman kasi pinaupo nyo pa yan sa puwesto?

Sa maraming bansa, kapag may bahid ng scandal o kahit maliit na kaso ng pandarambong, kusa ng humihingi ng tawad sa publiko ang mga nakapuwesto kasi nga nasira na nila ang "public trust" at ito ay isang malaking kahihiyan sa kanilang pangalan, pamilya at sa mga nagtiwalang bumoto sa kanila. Kasunod nito ay ang kaagad agad nang pagbaba o pagresign sa puwesto.

Bakit Kaya Sa Atin?

Nakupo naman sa atin, naakusahan na, nahatulan na, nakulong na, nakakatakbo pang mayor, gobernor, congresista, senador, presidente at kung ano ano pa.

Nananalo pa... at kung umasta, parang wala lang... anyare?

Sadya po ba silang wala nang hiya o sadya po talagang bulag, pipi, bingi at tanga ang mga bumoboto?

Bayan, gising po. Ibenenta nyo na po bang lahat ang inyong prinsipyo, delikadeza, katinuan at sentido comon, o sadyang wala kayo nyan?

Dumilat na po kayo at bumangon sa inyong matagal na pagbubulag-bulagan, pagbibingi-bingihan at pagtatanga-tangahan.

Sige po iboto pa ang mga actions stars - Erap, Jinggoy, Bong at iba pang politikong matagal nang napatunayang mayroong mga anomalya.

Kung hei fat choy po sa kanila at patuloy po ang pag asenso at pagyaman nila. Tayo pong lahat, patuloy po sa pag dil dil ng asin. Bakit po kaya?

Friday, January 11, 2019

Salaula

Basura

May kasabihan tayo na ang sabi ay "basurang tinapon mo, babalik rin sa iyo."

Luneta, pagkatapos ng Pasko 2018

At nakupo naman, sa mga basurang itinapon nating lahat, salaulang salaula na ang ating bayang tinubuan, at naging basura na po ang halos lahat ng bagay sa ating lipunan.

Parang wala na po tayong pag-asa. Ngunit yan ang gustong mangyari ng mga walang kuwentang tao, ang magkaroon ng walang pag-asa ang mga mamayan at maging wala nang pakialam ang lahat sa sariling bayan at sa lahat ng bagay.

Pagkatapos ng Traslacion 2019

Ngunit mali po. Lagi pong mayroong pag asa, kung unti unti pong mabubuksan ang mata nating lahat.

Gumising na po tayo. Magkaroon naman po tayo ng kahihiyan. Magkaroon naman po ng tunay na disiplina at kaayusan. At bukod sa lahat gamitin naman po ang utak. Wala pong personal na asenso at asenso ng bayan kung hindi po mag uumpisa sa bawat isa.

Manila Bay, poso negro ng Maynila

Tama na po ang basura. Tama na po ang trapo. Tama na po ang pagboto sa mga basura. Tama na po ang katangahan. Tama na po ang katamaran. At tama na po ang mga palusot.

Ang problema ng isa, ang problema ng bayan, ay problema ng lahat ng mamamayan.

Gising sambayanang Pilipino. Umaalingasaw na po tayong lahat.

Friday, December 21, 2018

Walang Kahiyahiya

Bugbog o dignidad?


Wala akong pipiliin.

At ang tamang sagot diyan, "pass".

Noong high school po ako, hindi ko po uurungan itong batang ito. At baka may mga round two at three pa.

Ngunit noong huling bahagi ng dekada ochenta, naging miyembro din po ako ng PTA at iiwas lang ako sa mga eksenang ganito. Noong mga panahong iyon, wala po akong nakasamang ganito kung umasta, ano na kaya nangyari sa mga nagtuturo ngayon, mga blackbelt factory na lang?

Ang palagay ko lang ay namimili itong batang ito ng bibiktimahin niya at hindi siya hahamon ng papalag sa kanya. Paano kaya ito naging TBB?

Dahil, ni minsan ay hindi itinuro sa mga miyembro ng PTA na gamitin ang kaalaman sa sining ng pagtatanggol maliban lamang sa pag depensa sa saliri o ibang tao.

Bugbog na nga katawan mo sa gym, lalabas ka pa para maghanap ng away?

Ngayon, kung sino man nagturo at nagtuturo sa batang atenista na ito, paki po, bumalik po sana uli kayo sa 1st dan. At ito pong bully na ito, alisin nyo na rin po sa PTA sa pag gamit ng kanyang kaalaman sa pambubully at pag aabuso ng kapwa.

At sa inyo naman Ateneo, tapusin na po agad ang "imbestigasyon".

Sa mga iba pa pong biktima, lumantad na po, para sumali sa pagsampa ng reklamo. Isama na rin po sa ireklamo ang mga namvivideo.

Sa mga namumuno ng PTA at Ateneo, naku po, ano pa po ba ang hinihintay ninyo?

Nakakahiya po sa alumni at estudyante ninyo, at sa mga past at present members ng PTA.

Saturday, December 8, 2018

Bangungot

Naku, mga mamamayang Pilipino, kung boboto po tayo, eto po and listahan na pagpipilian, para hindi na po kayo magising sa inyong mahimbing na pagkatulog.

Imelda Marcos (at kung sino sino pang Marcos ang apelyido)

Juan Ponce Enrile

Gloria Macapagal Arroyo (at mga kamag anak)

Erap Estrada 

Noynoy Aquino

Jinggoy Estrada

Bong Revilla

At kung hindi nyo po alam kung bakit, ay malamang nabangungot na po kayo.

Sama nyo na sina Jejomar, Junjun at iba pang Binay.

Naku po bayan, gising!


Buhay pa po kayo, ngunit ginigisa na sa sarili nyong mantika. At ang masama, napakatagal na pong panahon.

Saturday, November 17, 2018

Mas Maayos ang Buhay Noong 1971, Sabi ng Ipinanganak ng 2001

Martial Law, Marcos, Cory

Eto nanaman po tayo. Palakasan nanaman po ba ng boses at ng mga keyboard warriors sa social media kapag dumadating tayo sa mainit na issue ng 1081 o People Power.

Naku po, bakit kaya yung mga musmos at uhugin pa noong dekada sitenta o yung di pa nga naipapanganak ang malalakas ang loob na sabihing wala namang masamang nangyari noong martial law? Siguro dahil sa mga narinig nila sa ibang tao o kay Google marahil.

(Eto, igoogle nyo)

Meron pa ngang nagsasabi na kung walang Martial Law, komunista na ang bansa ngayon. At wala namang kabuluhan ang People Power at kung ano ano pa. Teka, wala bang nagturo sa kanila na puppet tayo ng Amerika noon at di papayag ang mga Kano na maging komunista and Pilipinas dahil at sapagkat napakarami nilang interes at mga base militar sa bansa noon. Okay, marahil, absent sila noon itinuro yan sa klase nila.

(Eto pa, 1980s na ito)

Pangalawa, yung mga Martial Law babies, o yung mga naka salawal pa lamang noong 1970 hanggang 1980. Sige buhay na nga sila, ngunit, wala naman silang karanasan sa uri ng pamumuhay noong 1960s at hindi nila alam kung mayroon mang pinagbago sa kanilang pang araw araw na pamumuhay bago ang 1972.

Yung mga ipinanganak naman ng 1980 pataas, parang awa nyo na po, huwag nyo sanang palabasin na mas alam nyo pa ang nangyari kaysa sa mga pinanganak ng 1950s at 60s.

Kasama na po yung mga kababayan nating taga Ilocos. Bakit po? Dahil, isa lamang po kayo sa napakaraming lalawigan sa buong Pilipinas, wala pa po kayong dies porsiento ng kabuoan. Kung maayos man ang kalagayan nyo sa inyong bayan, hindi naman po nangangahulugang ganyan sa lahat ng lugar at hindi yan lingid sa inyong kaalaman.

At maitanong ko lang, sino sino po ang mga naunang nagsialis sa bansa papuntang Amerika?

At sino sino na po ba ang nakararaming Pilipino sa Hawaii, Guam at West Coast ng Amerika. Naku po, kung mas maayos noon dekada sitenta, bakit po nagsi alis kayo at bakit po puro American citizen na po kayo sampu ng mga kamag anakan ninyo. Opo, kung ganoon, huwag na rin po kayong sumali sa debate

Pangatlo, kung hindi po ninyo alam, ang legacy po ng 1970s, ay paglaganap nang pagsasakripisyo ng sambayan na iwanan po ang kanilang bansa, pamilya, asawa't, mga anak at mga iba pang mahal sa buhay, upang magkipagsapalaran at maging mga bagong bayani. Bakit po? Kasi kung hindi ay malamang mamamatay po silang lahat ng dilat. Opo masarap po noon, kung isa ka sa mga naunang mag Saudi, ngunit bakit pa kailangang mangibang bansa kung maunlad na tayo?

At kahuli hulihan po, kung nagtratrabaho po kayo o mga kamag anak nyo noon sa customs o iba pang ahensiya. Nakupo, siyempre po mas maayos din ang buhay nyo noon. At opo hanggang ngayon po, kasama ng mga tongressman mayor, gobernador at iba pang mandarambong ng kaban ng bayan.


Impeached sa Kamara

  VP Sara Duterte Pumanig ang mahigit dalawang daang Kongresista na ma-impeach ang Pangalawang Pangulo ng bansa. Maraming dahilan ang isinu...

Popular Posts