Sunday, September 15, 2019

Basketbol Puro Na Lang Basketbol


Bansot

Marami na pong mga kababayan natin na nagpapasya na kalimutan na po natin ang larong basketbol sa kadahilang wala naman daw tayong pag-asa sa larong ito dahil po mga bansot naman daw po tayo.

Tama naman po talaga sila, ngunit hindi lang naman dahil matangkad na ay sapat na ito para manalo. Malaking kalamangan po ito lalo na po sa mga larong basketbol, ngunit totoo rin po ito kahit sa putbol at balibol, samakatuwid po ba huwag na rin po ba tayong maglaro nito?

Hindi po, sa dahilang marami rin pong ibang bansa na sadyang maliliit rin ang mga manlalaro pero nagiging world class naman po sila sa putbol at balibol.

At kahit din po sa basketbol, kagaya po ng Japan, kahit din po Brazil at Argentina na hindi naman katangkaran ang mga manlalaro ngunit dahil po sa mayroon silang magandang programa at matagal na pong panahon magkakasama ang mga manlalaro po nila, ay mayroon po silang mga foreign trainers at coaches, nakaka sungkit rin po sila ng mga medalya kahit po maliliit sila kumpara sa mga kalaban nila.

Ang bansang Hapon po, kahit po Korea, magaganda po ang programa at coaching at mayroon din pong mga naturalized player (lahat naman po halos mayroon naturalized players, hindi lamang Pilipinas). Maganda po ang ball movement nila, mga set plays at outside shooting. Kayang kaya rin po natin yan, ngunit po dahil sa kayabangan, katangahan, negosyo, politika at talangka mentality, ayan po mas magagaling na po sa atin ang mga bansang ito.

Baseball, Softball

Sang ayon po ako, mas may pag asa po tayo sa mga larong baseball, softball, ngunit kailangan rin po natin lahat ng kailangan nating gawin at mas matagal na panahon pa rin po and kailangan bago po tayo maka abot kahit sa Top 50, kahit po Top 100 sa mundo.

Top 32

Sa basketbol po, pasok pa rin po tayo sa Top 32, at ito pa rin po ang pinamalaking tsansa natin sa Team Sports sa panahong ito. Lalo na po sa FIBA World Championship na gaganapin sa Pilipinas, Indonesia at Japan sa taong 2023.

May apat na taon pa po, kung ibibigay po natin ang suporta sa ating pambansang koponan, maaari pong maganda ang kalalabasan nito.

Kung hindi naman po, mag baseball, football at volleyball na lang po tayo.

Rowing puwede rin po.

Ang pinag uusapan po natin ay team sports, yung mga sport na pang isang tao lamang o may weight division, may pag asa po talaga tayo diyan, kasama na po dito ang boxing, martial arts, chess, bowling, billiards, golf, tennis, archery, shooting, weight lifting at marami pa pong iba.



Saturday, September 14, 2019

Basketbol

Kagilagilalas o Kahiyahiya?

FIBA World


Nakarating na naman po ang ating pambansanag koponan ng basketbol sa World Championship ng FIBA ngayong taon na ginanap sa Tsina.

Ngunit kagaya po ng nakita natin sa Team USA, hindi rin po tayo nagtagumpay.

Hindi naman po mataas ang ating hinahangad, dahil po talaga po magagaling po ang mga kalaban.

Ang makasama lamang sa FIBA World ay isang malaking tagumpay at karangalan na hindi na maiaalis sa inang bayan. Napakarami pong bansa sa mundo na ni minsan ay hindi na nakaabot sa FIBA World Cup.

Kulelat

At hindi naman po masama na kulelat po tayo dahilan po sa ang mga nakapasok po dito ay pawang mga Top 32 lamang po sa buong mundo. At tayo nga lang po ang tanging nagtataas ng bandila ng mga taga Timog Silangang Asya at ng mga lahing hindi matatangkad.

Ang Pilipinas po ay nasa ika 31 sa buong mundo, samakatuwid, hanggang dito lamang po talaga tayo at ang ating inaasahan ay makapanalo lamang tayo ng isa.

Suwerte

At muntik na po tayong suwertehin kontra sa bansang Angola. Ngunit sa huli, natalo pa rin po tayo sa overtime. (Kung nanalo tayo sa larong ito, pasok sana po tayo sa 2020 Olympics).

Hindi Na Po Puwede

Sa susunod pong FIBA World Championships, sa Pilipinas po gaganapin.

Naku po, itigil na po natin ang paggaya sa istilo ng NBA. Hindi na po uubra ito. Hindi na po puwede ang basta pa All Star selection at pa Dream Team effect.

Kung NBA na nga di na umobra, tayo pang mga feeling NBA lamang.

Alam po natin na noong unang panahon, tayo po ang NBA sa buong Asya. Ngayon po ay hindi na po. NBA na lang po tayo ng Southeast Asia, at ilang panahon pa ay maabutan na rin po nila tayo. NBA kagaya ng PBA ay pera pera lang po.

Papogi

Hindi na po puwede ang puro porma, yabang at papogi. At bawal na rin po ang init ng ulo.

Hindi na po puwedeng ilang linggo lamang po ang praktis.

Hindi na rin po puwedeng hindi sasali ang mga pinakamahuhusay na manlalaro, dahil naglalaro po sila sa ligang propesyonal at ayaw po magka-injury o dahilan sa politika. Bakit nga ba hindi tayo maka alis alis sa lintik na politika?

Buwakaw

Hindi na po puwede ang feeling MJ o feeling Kobe.

Hindi na po puwedeng walang magaling na coach, walang mga play, walang scouting at programa.

Dahil bakit po noong panahon ni Caloy Loyzaga, tatlong taon po ang programa at nagka bronze po tayo sa FIBA World (isang talo lang po tayo).

Sa panahong po ng Northern Cement at Coach Ron Jacobs, ilang taon po ang kanilang programa, at naka abot din tayo sa FIBA World Championship.

2023

Ngayon po, may apat na taon po tayo para pag handaan ang FIBA World 2023 sa ating bansa.

Ano kaya ang ating gagawin?

Sino kaya ang kikilos?

Sadya po bang wala nang hiya ang mga taga SBP, PBA at mga tagapamahala ng sports sa bansa?

Alam naman po natin na basketbol pa rin ang pambansang laro ng Pilipinas.

Online Keyboard Warriors

Sa ating pong magigiting na mandirigma sa internet, hinay hinay sa kayabangan, malaking kahihiyan po ang mga sinasabi ninyo sa online community.

At sa ating pong mga kababayang talangka, naku po, kaya po hindi umuunlad ang Pilipinas, kasama po kayo sa mga dahilan.

Bakit nga po mga Pilipino kung di sala sa init, sala naman sa lamig.

Proud to be Pinoy, kapag panalo, Kapag talo naman, grabe parang may alam sa basketbol.

Tayo'y Mga Pilipino

Suportahan po natin ang ating pambansang koponan, dahil po tayo ay mga Pilipino... para po ito sa Inang Bayan, magkaisa po tayo kahit lamang sa larangan ng basketbol.

Lahat po ng ibang bansa suportado po nila ang kanilang sariling koponan. Bawal po mga talangka sa kanila.

Kasubuan na po, tayo po ay isa sa mga host nations ng 2023 FIBA World, at pagkakataon na rin po na maipakita natin ang Pilipinas at ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa buong mundo.


Ang Daming Sinayang Na Panahon

  Gilas Program Ang SBP at ang PBA ang daming sinayang na player at panahon. Napuno na mga taga suporta nila. Sayang di kasi sila nakinig...

Popular Posts