Friday, July 10, 2020

Wala Pong Kamatayang ABS CBN

ABS-CBN

Ang dami nang sumawsaw at patuloy na sumasawsaw at nagkampi-kampihan sa usapang ABS-CBN. Marami ring mga luhaan at marami ring mga nagbubunyi.

Huwag na po tayong magtaka. Kasi eto po ang epekto ng isang bayang walang pagkakaisa.

At alam naman natin na ang bansang walang pagkakaisa, ay walang patutunguhan.

Kangkungan, dito pupulutin and inang bayan. At nakalubog na nga po tayo sa kangkungan, ngunit tuloy parin pong nag-aaway-away ang mga taong bayan.

Bakit po kamo? Kasi ang mga Kapamilya galit sa mga Kapuso at mga Kapatid. Galit silang lahat sa isa't-isa.

Galit po ang mga Katoliko sa mga Iglesia, Born-Again at mga Muslim. Galit rin silang lahat sa isa't-isa.

Galit po ang mga maka Tatay Digong sa mga Dilawan. Wala pong pagkakaunawaan at pagtutulungan.


Watak watak po ang sambayanan at ito ay pinananatili ng kung sino man ang namumuno sa bansa at ng mga makapangyarihan, mga nakapuwesto sa gobyerno, ng mga mayayamang negosyante at ng mga sikat sa lipunan.

Bakit po? Kasi sa kaguluhan at sa di pagkakaisa, alam po nilang mananatili po sila sa puwesto at lalong yayaman sa dahilang walang nababago sa lipunan. Patuloy po silang naiboboto sa mga eleksiyon, o di kaya ang kanilang asawa, anak o sino mang kamag-anak.

Tuloy po ang kanilang ligaya. At ang mga taong bayan ay tuloy sa kahirapan at tuloy ang kaligayahan sa pagkakampi-kampihan at pakikipag-away.

At ang mas masama po rito, patuloy lang ang pagboto nila sa mga politikong nanlilinlang sa kanila at alam na alam naman nilang mandarambong at walang nagagawa para sa ikauunlad ng bayan.

Walang Pagkakaiba

Sa usaping ABS-CBN. Totoo po, pareho pong may kamalian sa parte ng ABS at sa parte ng gobyerno.

Ngunit sa kadahilang nagkampi-kampihan na po ang sambayan, ipagtatanggol po nila ang kanilang pinapanigan. Opo, kahit po alam nilang may kamalian rin po sa kanilang pinapanigan, at yung kamalian lamang po ng kabila ang kanilang nakikita.

Sa mga nawalan ng hanap-buhay? Magkaisa po kayo,  kumuha ng representasyon at tumugon sa DOLE.

Ang mga hindi na po makatiis at hinahanap-hanap ang "Ang Probinsiyano". Hindi po ba nasa Kapamilya Channel pa rin po ito? May bayad nga lang po.

Baka puwede rin po kayong magbuklod-buklod at humanap ng abogado o artistang makakatulong sa inyo na magpetisyon na mapanood ang mga palabas sa ABS-CBN ng libre. Kapamilya po kayo dapat po wala kayong bayad. Sa dalawangpu't limang taon, malaki na po ang kinita ng ABS-CBN dahilan po sa inyong walang tigil na pagtangkilik. Dapat po lamang nilang suklian ang inyong katapatan.

Sa mga tuwang-tuwa po sa mga nawalan ng trabaho, mag-ingat po kayo. Mayroon pong karma at sa buhay po minsan nasa itaas, minsan nasa ilalim. Bukas o makalawa, di po natin alam ang puwedeng mangyari.

Sa mga Lopez po, eto ang malaking alegasyon laban po sa inyo. Unang una na po na hindi po Pilipino si Gabby Lopez III. Bawal po iyan ayon sa batas.

At isang mani obra rin po ang pagbibigay ng mga Philippine Depository Receipts sa mga banyaga.

Taong 1995 po ng ipinagkaloob ang prangkisa sa inyo. Ito po ay para sa 25 taon. Panahon pa po ni Pangulong Ramos.

Simula pa po ng taong 2014 o anim na taon bago mapaso ang prangkisa, nag-umpisa na po kayong magrenew ngunit hindi naman po ninyo tinuloy.

Mayroon pa pong ibang mga alegasyon sa mga Lopez, nguni't ito lamang naman po ang mga importante.

Paso na po ang prankisa ngayong taong 2020.

Walang Pagkakaisa

Huwag na po natin palalain sa dahilang nagkakampi-kampihan po tayo. Alam na po natin na kaaway ni Tatay Digong ang ABS-CBN, at A BiaS CBN po ang tawag nila dito. Bias po laban sa kanila.

At marami pa pong alegasyon laban po sa kanila na sana po kung mapapatunayan at makapagbabayad po sila ng danyos perwisyo at maitutuwid ang kanilang mga nagawang kamalian sa publiko at sa mga nagtratrabaho po sa kanila, sana po mabigyan na ng prangkisa.

Ngunit hindi naman po eto ang layunin ng mga namamahala sa bansa. Sana po magising na po tayo at magkaisa. Iisa po ang ating lipi. Pilipino po tayo, magkaisa po tayo at huwag nang magpalinlang, Kapamilya man o Kapuso o Kapatid.

At parang awa na po natin, kapag po nahatulan na o napatunayan nang magnanakaw, huwag na po natin iboto uli.

Gising!

Ang Daming Sinayang Na Panahon

  Gilas Program Ang SBP at ang PBA ang daming sinayang na player at panahon. Napuno na mga taga suporta nila. Sayang di kasi sila nakinig...

Popular Posts