Sunday, September 26, 2021

Bulag at Nagbubulagbulagan


Sa mga nabuhay noong panahon ng Martial Law sa Pilipinas at nagsasabi na noon ay:

1. Maunlad ang Pilipinas
2. Mayaman ang Pilipinas
3. Maraming pinapatay
4. Walang kalayaan
5. Masarap ang buhay
6. Mahirap ang buhay
7. At kung ano ano pa...

Tama po silang lahat!

Sa ibat ibang panig po ng Pilipinas, sa ibat-ibang sektor ng lipunan, iba iba po ang naging karanasan ng taong bayan. Kaya't tama po silang lahat.

Marami po ang umunlad. Marami po ang naghirap. Marami po ang namatay, pumatay at namatayan.

Hindi po natin maaalis sa kanila ang kanilang mga naging iba't ibang karanasan at ito po ay ikinuwento nila sa kanilang mga anak na naikuwento naman sa kanilang mga anak at apo.at sa lahat po na mahilig sa tsimis.

Botante

At ngayon po ay nasa social media na po ito at ang mga bagong botante po ngayon, ang mga kabataan ay sa kanilang kaisipan at kaalaman ay naniniwalang alam na alam na nila ang mga nangyari sa Pilipinas noong dekada 60 at 70.

Mga eksperto na po sila, dahil sa twitter, tik tok, instagram at youtube.

Ang hindi nila alam ay ang mga taong nabuhay po noon ay mahihintulad natin sa mga bulag na nakarating sa isang malayong lugar na doon ay ngayon pa lamang sila nakaranas na makakita ng elepante.

Ngunit sa kadahilang sila po ay bulag, nakakakita lamang po sila sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. At depende po sa kung anong parte ng elepante ang kanilang nakita, ay eto po ang limitasyon ng kanilang kaalaman. Kung tinanong sa kanila kung paano nila ipapaliwanag ang elepante sa mga taong hindi naman nakaranas na makakita ng elepante, magiging iba iba po ang kanilang kasagutan. 

Blind Men and the Elephant



Eti rin po ang nangyari sa panahon ng Martial Law. Marami pong bulag noon, bulag sa nangyayari sa ibat ibang lugar. At ang masama po, marami rin pong nagbubulag bulagan.

Maganda at Pangit

Meron pong mga nakinabang. Meron pong nakakuha ng magagandang puwesto. Meron pong nakakuha ng magagandang kontrata. Meron pong nakakuha ng magagandang negosyo. 

Ngunit meron rin pong nawalan ng kabuhayan. Meron pong pinakulong. Meron pong pinaslang. Marami pong pinagbawal. Marami pong umalis ng bansa. Marami pong nag OFW. Marami pong naghirap. Marami pong pinaalis sa kanilang tirahan. Marami pong lumipat sa ibang lugar at naging squatter. Marami pong na kidnap at marami pong hindi na natagpuan.

Marami pong magandang nangyari. Ngunit marami rin pong hindi magandang nangyari.

At sabi po ng Guiness Book of World Records, sa kasaysayan, si Marcos po ang pinakamalaki ang ninakaw sa kaban ng bayan sa buong mundo. Ngunit para mga die hard Marcos loyalists, propaganda lang daw po ito.

https://www.guinnessworldrecords.com/world-records/65607-greatest-robbery-of-a-government

Ayon kay Lee Kuan Yew, kasabayan ni Marcos, at naging Prime Minister ng Singapore at naging rason sa pag unlad ng Siingapore noon at hanggang sa kasalukuyan, sinabi niya na, bobo ang mga Pilipino dahil...


Dahil po sa hindi siya bulag o nagbubulag bulagan. 

Bulag, Pipi at Bingi (at Tanga)

Okay, huwag po nating lahatin. Marami rin pong nagawang mabuti ang rehimeng Marcos. Ang masama ay maraming pumipili na kalimutan ang mga masamang nangyari sa panahong Martial law at ang mga masamang epekto nito.

Hindi na maka ahon ahon ang bansa pagkatapos ni Marcos sapagkat ang kultura ng katiwalian at ang kabobohan ng nakakarami ay naging susi upang patuloy na malubog sa kahirapan at kasamaan ang bayang tinubuan -- bayang tinubuan na ng kaisipang wala na tayong magagawa at wala na tayong pag asa at kaya't binebenta na lamang natin ang ating mga boto at patuloy na lang binabalik sa puwesto ang mga politikong wala naman ginawa kung hindi magnakaw sa kaban ng bayan.

Marami sa kanila ay nakikinabang rin sa bulok na sistemang nakasanayan na, kaya't sige lang tuloy ang ligaya.

Gising

Ngunit sa higit na nakararami na wala namang napapala sa kasalukuyang bulok na sistema, kailan kaya tayo magigising at maiisip na mayroong pag asa, kapag magka isa ang lahat at maging mabuting mamamayang nagmamahal sa bayan at pumipili ng tama at nararapat.






Throwback 2019 - Ano Ba Yan

Saturday, September 25, 2021

Marcos Pa Rin O Never Forget


Eto nanaman po mga kababayan, nagkampi kampihan nanaman po ang mga Pilipinong magagaling.

Hindi nanaman po namamalayan na kahit po sinong politiko ang piliin nila, walang pong mababago kasi po ang trapo ay laging trapo at ang bobo ay laging bobo.

Kalahati po ng kabataan ngayon ay nagsasabing Marcos is the best President, kalahati po ay Never Forget.

Anong Alam Nila?

Lahat po naman sila ay walang kamuang-muang sa dekada sisenta at sitenta. Kahit po sa otsenta hindi pa po sila naipanganak, ngunit  kung magsalita, mukhang mas marami pa po silang alam sa mga nangyari noong  mga panahong iyon dahil po sa twitter, facebook at youtube o dahil Marcos loyalist po ang lolo nila o maka Tita Cory o sino man politiko.

Kamote

Lahat po ng mga politiko ay naupo at sa kalaunan naging ganid sa kapangyarihan at sa kaban ng bayan. At lahat po ay sangkot sa katiwalian. Ang politika po ay puno ng kasamaan at kasinungalingan. Yan po ang kultura nito.

Kapareho po sa mundong ginagalawan ng mga artista. Pare pareho silang mga pashowbiz.

Kahit na po sila ay mga banal man sa mata ng tao nang pumasok sa industriya (politika man o show business). Sa tagal po nila sa mundo ng mga sakim at ganid, magiging isa na rin po sila sa mga kasamahan nila.

Honest

Mabuti pa yung iba diyan, honest, at nagsasabing huwag natin ilagay sa anak ang kasalanan ng ama. Tama po ito.

At least, umamin na magnanakaw ang magulang.

Ngunit kung ano po amg puno, siya po ang bunga. Ang kamote po kapag itinanim, kamote po ang aanihin, hindi po kamatis o kang kong. 

At kahit po mabuti ang kalooban sa una, kapag po matagal na pong politiko, sa malamang gagawin na po ang lahat, masama man o mabuti para manatiling nakaupo sa puwesto. 

Opo, matagal nang kuwento yan, paulit-ulit na lang po, kasi marami pa pong bobotanteng hindi matuto tuto. Marami pong nagbebenta ng boto. Marami pong nakikitangay sa agos at bumoboto sa kadahilang yan po ang iboboto ng mga kabarkada o mga kapatiran o yan po ang utos sa itaas, o kung ano man ang sabi ng iba.

Ay nako po, wala po ba kayong sariling kaisipan. Gising po, ilang dekada na po ba ang nagdaan, ilang politiko na?

Sa matagal na pong panahon, ang mga umunlad at yumaman lang po ay yung mga nakaupo sa puwesto at yung mga malapit nilang kamag anak, kaibigan at kabarangay.

Kasali ka ba sa mga nakinabang noong mga panahong nakalipas? Malamang, kaya siguro yan ang paninindigan mo.

Kung hindi naman, malamang napanood mo lang sa youtube kaya naniwala ka na.

Gising. Nasubukan na po natin halos lahat ng iba't ibang klase at lahat po naging trapo.

Hindi po politiko ang problema, taong bayan po. Tayo po mismo.

Pumili po nang tama.



Tuesday, August 31, 2021

Kamote


Eleksyon 2022

Eto mag-eeleksyon na uli.

Nangangampanya na po ang mga politiko.

Kampi-kampihan nanaman po. Balimbingan.
Banat dito, banat doon.
Tatakbo o di tatakbo.
Papogi at pabongga.

Korupyon

Hay naku mga bobotante, sana naman magising na po tayo.

Kapag po nahatulan na ng korupsyon o malakas na malakas na ang ingay ng pagnanakaw sa bayan at kung ano anong kabalastugan at anomalya, ay huwag na po nating iboto ulit.

Yung botong ibenebenta ninyo, ilang taon niyong babayaran yan,  pati mga anak at apo ninyo magbabayad. Kaya po walang kaase-asenso ang bayang Pilipinas.

Gising!

#Halalan2022

Thursday, August 5, 2021

Nas Ko Po Naman


Mukhang nagpaliwanag na di umano ang Nas Academy tungkol sa kontrobersiya sa Whang Od Nas Academy.

Ngunit sa pagkakaalam ko wala namang paliwanag na ipinahayag, maliban sa isang maikling video na nagpapakitang naglalagay ng thumbprint si Whang Od sa isang dokumento na mukhang isang kontrata.

Marami pong video ang lumabas na, eto po ang isa at ang naturang ebidensiya daw po ng Nas Academy, panoorin po natin. 


Lalong Lumalala

Ang problema ngayon ay labag po sa mga nakatakdang batas ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) - Cordillera Administrative Region (CAR) ang mga kontratang ganito kung hindi dumaan sa pagsusuri at representasyon ng komisyon.

Kampi Kampihan Nanaman

Marami na pong mga Pilipino at dayuhang nakisawsaw sa usaping ito. Marami pong nagsasabi na maka Nas pa rin po sila at hintayin daw po natin siyang magpaliwanag.

Meron naman po sa kabilang dako ang nagsasabing 
#BoycottNasDaily 
#NasDailyScam 
#NoToNasDaily, at kung anu ano pang hashtag.

Naks naman, parang may malasakit talaga sa taong bayan o kay Whang Od.

Pinoy Baiting

Wala naman tayong dapat panigan. Ang dapat sana ay matutunan natin na mayroon pong mga dayuhan ang pinagkakakitaan ang mga Pilipino at kung hindi po natin alam kung bakit at papaano, ay dapat lamang po na ating usisain at malaman at nang hindi po tayo mukhang walang alam at madaling mapaikot ng mga dayuhan

Bobotante

Ang mahirap po kasi sa marami nating kababayan ay sadyang mga bobotante -- alam na po nating magnanakaw o walang gagawing mabuti, binoboto pa rin po natin.

Marami sa atin, makakita lang po ng dayuhang nagtatagalog, bisaya, ilokano o kung anuman, at mga dayuhang palaging nagfefeature sa Pilipinas o mga Pilipino, ay wow, proud to be Pinoy na po tayo at like na po at follow o share o kung anu ano pa. 

Gising, karamihan po ginagamit lang po tayo, kagaya ng mga politiko.




Wednesday, August 4, 2021

Nas Ko Po

Nas Academy


“WARNING! Whang Od Academy is a scam!"

Maraming Pilipino ay Madaling Mauto

Si Nas at napakaraming dayuhan ay alam na maraming Pilipino ang nasa social media at internet.

At marami sa mga kagaya nila ay tuso at alam na alam na kayang kaya nilang paikutin ang napakaraming Pilipino. Hindi naman talaga mahirap itong gawin. 

Kamote

Kung kaya ng mga politiko natin mambola ng Pilipino mas kaya kaya ng mga dayuhan dahil napakaraming Pilipino ay madaling mabola ng mga ibang lahi.

Ano Po Ba Ang Totoo

Inalis na po ni Nas ang Whang Od Academy, dahil sa kontrobersiya dito. Ngunit wala pa po silang opisyal na paliwanag. Alam natin na gagawa sila ng magandang paliwanag dahil alam na alam nila na kung mawawala ang milyon milyong nilang mga Pilipinong followers ay malaking epekto ito sa kanila. Sa totoo lang maraming mga sumikat at nagkapera sa social media ay dahil nagumpisa silang gumawa at sa patuloy na paggawa ng mga video na Pilipinas or mga Pilipino ang thema.

Gising

Sana maging aral na hindi lahat ng dayuhan na mukhang may malasakit sa mga Pilipino at may mabubuting kalooban ay totoo, para sa iba, pera pera lang yan -- walang kinaibahan sa mga politikong paulit-ulit na nakukuha ang boto ng mga bobotanteng Pilipino. Sa una maganda ang mga sinasabi, ngunit sa huli naman lalabas di ang totong plano. Ang masama, alam na nga nating kurakot, iboboto pa rin, kamote.

Nas ko po, gising.




Part 2 - Nas Ko Po Naman

Sunday, December 6, 2020

Nadaya Daw

Ito pong nakaraang halalan kontra Trump at Biden, idinidiit pa rin ni Ginoong Trump na nadaya siya.

Alam nating lahat na ang social media at ang lahat ng balita ay galit kay Trump at hindi naniniwala sa kanya.

Ni hindi nga nila ibinabalita ang kahit na anong anomalya na magiging kapakipakinabang sa kanya at bagkus kung mayroon naman pong makakatulong kay Ginoong Biden, ito naman ang kanilang ibabalita.

Natural lamang po ito sa dahilang gusto na ng nakararami na matanggal na po sa puwesto si Trump, kahit sino na basta hindi lang si Trump.


Gaya gaya


Mahilig po kasi tayong mga Pilipino na makisawsaw sa mga nangyayari sa ibang bansa.

Kaya po sa Pilipinas sinasakyan rin ito ng ating nga taga hatid ng balita at mga politiko na hinalintulad si Bongbong kay Donald Trump. 

At naiintindihan rin po natin sa kadahilang ayaw rin ng mga nakararami sa mga Marcos, maliban sa kanilang mga die-hard supporters.


Dayaan


Ngunit magising naman po tayo... sa malamang natalo po talaga si Ginoong Donald Trump at si Ginoong Bongbong Marcos.

Ngunit hindi po nangangahulugang wala pong dayaang nangyari.

Panahon pa po ng dekada sitenta alam na po natin na meron pong dayaang nangyayari.

Noon pong dekada ochenta, noon pong nagkaroon na ng mga makabagong teknolohiya sa bilangan ng boto, nagkaroon rin po ng mga makabagong dayaan.

Ngayon pong computer na halos lahat, mayroon pa rin pong dayaan. Mas makabago nga po lamang ang mga dayaan ngayon, karagdagan sa mga nakaugalian nang dayaan na cancer na po ng lipunan.

Palagi pong mayroon niyan at palagi po magkakaroon sa kadahilanang marumi po talaga ang larangan ng politika.

Marami rin pong maloloko sa larangan ng pamamahayag, sa mga taga hatid ng balita, ngayon po ang tawag na po rito ay fake news. Ang social media rin po ay ginagamit rin po sa dayaan.

Huwag na po tayong magtaka. 

Mayroon pong dayaan, kahit saan po, sa Amerika man, o anumang bansa.

Kaya kahit po ayaw natin kay Trump, tama po siya mayroon pong dayaan, ang malaking posibilidad lamang po ay nalinis na po at wala nang ebidensiya o hindi naman po ganoon kalaganap at kahit po hindi siya nadaya, ay talo pa rin po siya.


Gising


Gumising na po tayo. Lahat po ng politiko ay hindi nagsasabi ng pawang katotohanan, ngunit ganyan rin po sa mga taga hatid ng balita, sa social media at sa lahat man ng bagay. Mayroon at mayroong mandaraya. Believe it or not.



Friday, July 10, 2020

Wala Pong Kamatayang ABS CBN

ABS-CBN

Ang dami nang sumawsaw at patuloy na sumasawsaw at nagkampi-kampihan sa usapang ABS-CBN. Marami ring mga luhaan at marami ring mga nagbubunyi.

Huwag na po tayong magtaka. Kasi eto po ang epekto ng isang bayang walang pagkakaisa.

At alam naman natin na ang bansang walang pagkakaisa, ay walang patutunguhan.

Kangkungan, dito pupulutin and inang bayan. At nakalubog na nga po tayo sa kangkungan, ngunit tuloy parin pong nag-aaway-away ang mga taong bayan.

Bakit po kamo? Kasi ang mga Kapamilya galit sa mga Kapuso at mga Kapatid. Galit silang lahat sa isa't-isa.

Galit po ang mga Katoliko sa mga Iglesia, Born-Again at mga Muslim. Galit rin silang lahat sa isa't-isa.

Galit po ang mga maka Tatay Digong sa mga Dilawan. Wala pong pagkakaunawaan at pagtutulungan.


Watak watak po ang sambayanan at ito ay pinananatili ng kung sino man ang namumuno sa bansa at ng mga makapangyarihan, mga nakapuwesto sa gobyerno, ng mga mayayamang negosyante at ng mga sikat sa lipunan.

Bakit po? Kasi sa kaguluhan at sa di pagkakaisa, alam po nilang mananatili po sila sa puwesto at lalong yayaman sa dahilang walang nababago sa lipunan. Patuloy po silang naiboboto sa mga eleksiyon, o di kaya ang kanilang asawa, anak o sino mang kamag-anak.

Tuloy po ang kanilang ligaya. At ang mga taong bayan ay tuloy sa kahirapan at tuloy ang kaligayahan sa pagkakampi-kampihan at pakikipag-away.

At ang mas masama po rito, patuloy lang ang pagboto nila sa mga politikong nanlilinlang sa kanila at alam na alam naman nilang mandarambong at walang nagagawa para sa ikauunlad ng bayan.

Walang Pagkakaiba

Sa usaping ABS-CBN. Totoo po, pareho pong may kamalian sa parte ng ABS at sa parte ng gobyerno.

Ngunit sa kadahilang nagkampi-kampihan na po ang sambayan, ipagtatanggol po nila ang kanilang pinapanigan. Opo, kahit po alam nilang may kamalian rin po sa kanilang pinapanigan, at yung kamalian lamang po ng kabila ang kanilang nakikita.

Sa mga nawalan ng hanap-buhay? Magkaisa po kayo,  kumuha ng representasyon at tumugon sa DOLE.

Ang mga hindi na po makatiis at hinahanap-hanap ang "Ang Probinsiyano". Hindi po ba nasa Kapamilya Channel pa rin po ito? May bayad nga lang po.

Baka puwede rin po kayong magbuklod-buklod at humanap ng abogado o artistang makakatulong sa inyo na magpetisyon na mapanood ang mga palabas sa ABS-CBN ng libre. Kapamilya po kayo dapat po wala kayong bayad. Sa dalawangpu't limang taon, malaki na po ang kinita ng ABS-CBN dahilan po sa inyong walang tigil na pagtangkilik. Dapat po lamang nilang suklian ang inyong katapatan.

Sa mga tuwang-tuwa po sa mga nawalan ng trabaho, mag-ingat po kayo. Mayroon pong karma at sa buhay po minsan nasa itaas, minsan nasa ilalim. Bukas o makalawa, di po natin alam ang puwedeng mangyari.

Sa mga Lopez po, eto ang malaking alegasyon laban po sa inyo. Unang una na po na hindi po Pilipino si Gabby Lopez III. Bawal po iyan ayon sa batas.

At isang mani obra rin po ang pagbibigay ng mga Philippine Depository Receipts sa mga banyaga.

Taong 1995 po ng ipinagkaloob ang prangkisa sa inyo. Ito po ay para sa 25 taon. Panahon pa po ni Pangulong Ramos.

Simula pa po ng taong 2014 o anim na taon bago mapaso ang prangkisa, nag-umpisa na po kayong magrenew ngunit hindi naman po ninyo tinuloy.

Mayroon pa pong ibang mga alegasyon sa mga Lopez, nguni't ito lamang naman po ang mga importante.

Paso na po ang prankisa ngayong taong 2020.

Walang Pagkakaisa

Huwag na po natin palalain sa dahilang nagkakampi-kampihan po tayo. Alam na po natin na kaaway ni Tatay Digong ang ABS-CBN, at A BiaS CBN po ang tawag nila dito. Bias po laban sa kanila.

At marami pa pong alegasyon laban po sa kanila na sana po kung mapapatunayan at makapagbabayad po sila ng danyos perwisyo at maitutuwid ang kanilang mga nagawang kamalian sa publiko at sa mga nagtratrabaho po sa kanila, sana po mabigyan na ng prangkisa.

Ngunit hindi naman po eto ang layunin ng mga namamahala sa bansa. Sana po magising na po tayo at magkaisa. Iisa po ang ating lipi. Pilipino po tayo, magkaisa po tayo at huwag nang magpalinlang, Kapamilya man o Kapuso o Kapatid.

At parang awa na po natin, kapag po nahatulan na o napatunayan nang magnanakaw, huwag na po natin iboto uli.

Gising!

Impeached sa Kamara

  VP Sara Duterte Pumanig ang mahigit dalawang daang Kongresista na ma-impeach ang Pangalawang Pangulo ng bansa. Maraming dahilan ang isinu...

Popular Posts