Para Sa Ating Mga Kabataan
Ang sabi ng pambansang bayani ng Pilipinas ay ang kabataan po ang pag-asa ng bayan. Ngunit sa nakikita natin sa mga komento sa social media ay mukhang hindi po maganda ang inaasahang pag-asa o kinabukasan ng bayan.
Marami sa ating mga kababayan ay edad 26 po at pababa. Noong 1986 Edsa Revolution hindi pa po sila naipapanganak. Samakatuwid yung mga 26 po ngayon ay mga sampung taon pa lang po ang edad ng kanilang mga magulang noong 1986.
Dalawang henerasyon na po ang walang alam kung ano talaga ang Edsa, maliban na lamang sa naikuwento ng kanilang mga lolo't lola na nabuhay noong 1960s.
OFWs
Ang mga kabataan natin ngayon ay mga anak at apo na po ng mga OFW na nag-umpisang humanap ng ikabubuhay ng kanilang pamilya sa ibang bansa noong 1970s. Bakit? Wala kasing hanapbuhay sa Pilipinas.
Bago pa mag Edsa, mahirap na po ang buhay sa Pilipinas. Hindi ito nag-umpisa noong 1986, lumala na lamang po ang malala nang sitwasyon.
Kung iisipin ninyo maraming mga taga Ilocos ang lumipad na po papuntang Hawaii, Guam, America at ibat-ibang lugar matagal na matagal na pong panahon, at sa panahon rin po ng dating Pangulong Marcos.
Sa ibang bansa na sila nanirahan. Bakit po kaya? Kasi po maunlad ang Pilipinas? Yan po ang press release, mga haka-haka o naikuwento sa mga hindi po nakaka-alam. Pero bakit po sila nagsi-aalis kung maayos na po ang buhay nila?
Lee Kuan Yew
Si Lee Kuan Yew po ay kasabayan ng Presidente Marcos. Siya po ang Punong Ministro ng Singapore noon. Mahirap pa sa daga ang Singapore noon 1960s. At wala po silang natural resources. Pilipinas po ay isa sa mga pinakamayaman sa Asya noong panahong iyon. Mahirap din po ang South Korea at Taiwan noon.
Napaunlad po ni Lee Kuan Yew ang Singapore hawak ang kamay na bakal mula 1965 hanggang 1990. Samantalang sa kamay na bakal ni Marcos, napalubog naman po niya ang Pilipinas mula 1965 hanggang 1986. Hindi po ito biro.
Madali itong malaman kahit po igoogle ninyo.
Napakatalino po ni Pangulong Marcos at maayos pa ang Pilipinas noong mga unang taon ng panunungkulan niya ngunit noong huli ay hindi na po maitatanging naging corrupt na po ang mga nakapuwesto at hanggang mag martial law na po dahil sa mga nagtatangkang maka-agaw ng kapangyarihan at dahilan din po ayaw nang umalis ang mga nakapuwestong nagpapayaman.
Lee Kuan Yew and Ferdinand Marcos Compared
1986
Noon 1970s at halos lahat na ng mamamayang Pilipino ay naghirap at noong mga unang taon ng dekada 80 ay sukdulan na ang hirap ng ordinaryong mamamayan, habang patuloy naman ang pagyaman ng mga nasa gobyerno at ng mga elitists and cronies at yan na po ang naging mitsa ng Edsa noong 1986.
Pagkaraan ng 1986 nagbago po ang tingin ng buong mundo sa Pilipinas, pinuri po ang mga Pilipino ng maraming bansa, naging magandang modelo po ng pagbabago. Ang sambayanan nagbago rin po. Naging mga mabubuting mamamayan. Nagbabayad ng tamang buwis, sumusunod sa mga batas, dahil naisip nila na eto po na ang pagkakataon. Ngunit nakita nila na cancer na po ang nakawan at katiwalian sa bayan. Nakasanayan na po ito ng mga trapo at ng mga namumuno sa iba't-ibang ahensiya ng gobyerno. Iilan-ilan lang ang yumayaman at nakikinabang sa bansa, samantalang ang nakararami ay naghihikahos.
Bumalik na lang sa dating gawi ang mga taong bayan. Nawalan na ng gana ang mga Pilipino at tinanggap na wala naman pong pagbabagong nangyari. Lumalala na lamang po ang kalagayan ng malala nang ekonomiya ng bansa.
Nag give up na tayo, dahilang salot na po sa lipunan ang graft and corruption at palakasan, lagayan at pandaraya sa eleksyon at mga bobotanteng patuloy pong nagbebenta ng kanilang boto at ibinoboto ang mga trapong politiko. Yan po ang katotohan.
Nag Abroad Na
Mas lalo na naging mang-mang ang mga kabataan natin sa dahilang nagsi-alisan na po ang mga mahuhusay, matatalino at magagaling nating mga guro simula pa ng 1970s. Ang mga nurse at doktor po natin, nagsi-alis na rin. Ang mga engineer at mga IT professionals lumarga na simula po ng 1980s. At nag Saudi, Hong Kong, Singapore at nag Japayuki na rin po ang mga ibang wala nang ibang mahanap ng trabaho.
Hindi na naalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na naiwan kasi dahil nasa ibang bansa na po sila, mga bagong bayani na simula pa po ng 1970s.
2020s
Kung nasa abroad kayo ngayon bilang OFW, expat o immigrant o nasa Pilipinas kayo ngunit hirap na hirap sa buhay, at masamang masama ang loob ninyo sa mga namumuno sa Pilipinas, ay dapat lamang po.
Ngunit ang kailangan nyong malaman kung hindi nyo pa po alam ay epekto na lamang ito ng bansang nalubog sa utang, pangungurakot at maling pamamalakad na nag-umpisa po ng 1960s, nagtuloy sa 1970s at sumabog na sa 1980s. Lahat po ng ating karatig bansa ay naka-ahon po sa kahirapan nila, maliban lang po sa atin, naunahan pa po tayo ng mga bansang mas mahirap pa sa atin noong 1950s at 1960s.
Kung ayaw nyo maniwala, wala na po tayong magagawa.
Kung nagtutulog-tulugan pa rin kayo sa katotohanan ay sana po magising na po tayo.
Kung nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan kayo ay wala pong gamot diyan.
Kung patuloy tayong boboto ng mga trapong politiko, tuloy lang po ang kalagayan ng bansa. Hindi kayo yayaman sa pagboto ng mga trapo, sila lamang ang patuloy na yayaman, subok na po yan.
Ang pag-asa po ng bayan ay kayo pong mga kabataan. Gumising na po tayo!
No comments:
Post a Comment