Thursday, March 24, 2022

Hindi Po Biro Ang Halalan

Para Sa Ayaw Nang Maging Bobotante


Alam po nating maraming mga Pinoy keyboard warriors -- matatapang po sa social media. 


At marami po sa kanila ay tinatawanan o ginagawang katatawanan lang ang darating na halalan. 


Ngunit hindi po nakakatawa ang pagpili ng iluluklok sa puwesto, mataas man o mababang katungkulan. 

Alam na alam na po natin ang korupsyon ay nasa dugo na ng ating mga namumuno at nang nakararami sa mga nasa iba't ibang ahensiya ng gobyerno.

Bobotante

Ngunit patuloy pa rin po ang ating pagsuporta at pagboto at ang masama, pagbenta ng ating mga boto sa mga trapo -- kahit na ano pang partido. 

Patuloy rin po sa ating mga binoboto ang pagbigay ng kontrata at paglagay ng kanilang mga amigo't amiga, kasosyo't kamag-anak sa mga ahensiyang malalaki ang lagayan at pagkakakitaan.

Isa po ba kayo sa mga ginagawang biro lang ang halalan?  Nakapili na po ba kayo ng iboboto? Sigurado na po ba kayo? 

Napag-isipan nyo na po ba ng maayos ang inyong naging desisyon? 

instagram.com

Lahat po halos ng Trapo -  (Traditional Politician), sa Pilipinas man o sa ibang bansa ay gahaman sa puwesto at pagkakakitaan, sila sila lang po ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan ang nagpapakasasa sa yaman ng bansa. At ang nakararami ay patuloy na naghihirap. Huwag na po tayong mag bulag-bulagan, maging mang-mang, at maging bobotante o sunod-sunoran na lang sa sinasabi ng iba. Ang boto po natim ay sagrado, tayo po ang nagdedesisyon nito. Pag-isipan po nating maigi kung sino talaga ang ating ihahalal.

Gumising na po tayo. Nag OFW po ba kayo, o mga magulang ninyo? Nagsakripisto, naghanap ng trabaho sa ibang bansa at kung ano ano na ginawa na po natin. 

Simula pa po ng 1970s naghirap na po tayo. Ngunit lahat po ng trapo ay hindi naman naghirap. Tayo lang na bumoboto sa kanila. 

Tuesday, March 22, 2022

Ayusin Natin Ito


Napabalitang nanakot at nambugbog ang anak at ng isang congressman na isa ring board member.

Opo nagpakilalang anak ng congressman, ngunit hindi umobra, kaya walang awang pinabugbog sa kanyang mga body guard ang isang security guard na ginagawa lamang ang kanyang sinumpaang katungkulan.

Hindi na po ito bago.

Mga taong bayan naman matuto na naman po tayong pumili ng ihahalal.

At mga politiko naman, hindi na po makakalusot ang mga dati na ninyong nakasanayang gawain.

2022 Na Po

Marami na pong CCTV at mga cellphone video at social media. Di na po kagaya noong araw. Hindi na po basta basta maitatago ang mga style bulok ninyo.

At hindi na po puwedeng basta na lang "ayusin na lang natin ito" style. 

Wala pong laban ang mga mahihirap. Palagi na lang pong matatakot. O babayaran para manahimik. Hindi po nabibigyan ng lunas ang sakit ng lipunan. 

Yung pong mga bobotante dyan o mga nagbebenta pa rin ng boto, sana po hindi kayo o mga mahal nyo sa buhay ang sumunod na mabiktima ng mga binoboto ninyo.

Magising na po kayo.



Saturday, March 19, 2022

Unity Na Po

Comelec Debates 


Nakapili ka na ba ng iboboto? Sigurado ka na ba? Nanood ka ba ng debate o absent ka?

Nagkaroon na po ng unity ang mga katunggali ng anak ng dating Presidente at anak ng kasalukuyang Pangulo.


Yan po ang dahilan, at ang resulta ng di pag-sipot at pag-asikaso sa katungkulan ng bawat tumatakbo sa isang pambansang halalan.

Espesyal na Espasol

Nagkaroon na rin po ng unity ang mga nanood ng Comelec Debates. Yan po ang kailangan ng bayan, mga masisinop na mamamayan na pinag-iisipan, pinag-ninilaynilayan, sinisiyasat, sinasala at sineseryoso ang pagpili sa mga taong iluluklok sa mababa man o matataas na katungkulan sa bansa. Kahit saan mang bansa may Presidential Debates at lahat po ng tumatakbo present. 

Unity

BIR po kasama rin sa unity, lahat na po naniningil sa matagal nang pagkakautang ng mahigit dalawang daang bilyon.

Ang mga taga suporta na lamang po ni Jr ang in unity sa isa't-isa. At yung mga umatend po ng rally nila kaysa manood at maki-isa sa Comelec Debates.

Nakalimutan rin po natin, in unity nga rin pala sa kanila ang henerasyong nang tumatanggap ng maliliit na sobreng inaabot nang palihim at patago.  Huwag na pong itanggi, matagal na po yan. 

At matagal na po kayong napapaikot, barya lamang po ang inaabot sa inyo, at dekada na po ng pagpapayaman at pagpapalit palit lamang sa puwesto ng mga trapong politiko (kahit anumang partido) at kanilang mga kamag-anak, kaibigan, katoto, kanegosyo at kapanalig.

Elitista at Politiko Lang Ang Yumayaman

Sila lamang po ang yumayaman at umuunlad sa bayan. Kasama ka rin ba sa yumaman? O isa ka rin sa mga naghirap, nag OFW, nagsakripisyo, nagutom, nabola, napaikot, napangakuan ng mga pangakong napako na sa limot?

Ang kinabukasan ng inang bayan ay nakasalalay sa ating mga kamay at sa ating mga ibinoboto. Pumili na po tayo ng mga nararapat. 

Kung nakapili na po tayo ng iboboto -- maging sino man sila, naway isipin pa rin po nating maigi, tanungin po natin ang ating sarili kung ano ba talaga ang dahilan at bakit natin sila napili.

Friday, March 18, 2022

Pinangatawanan Na

Comelec Debate


Siguradong hindi na raw po makikipagdebate ang anak ng dating Pangulo ng bansa at ang kanyang bise, na anak rin ng kasalukuyang Pangulo sa Comelec Debate.

Nagkataon lamang daw po, mayroon daw po silang mga kumpromiso sa mga ibang tao. Sino kaya napakaimportanteng mga tao ito?

Ngunit Hindi Naman Nakapagtataka

At marahil po ay napakaespesyal nitong dalawang kandidato kasi po sila lang ang hindi dadalo. Sa tingin ko po ay wala naman talaga silang planong dumalo at hindi naman po sila dumalo sa mga nakaraan nang mga debate. Mainam naman po ang estradehiya, baka mabawasan pa kasi ang mga may plano nang bumoto sa kanila.

Less Talk Less Mistake,
No Debate No Mistake


Alam naman po nating lahat na hindi mapapantayan ni Jr. ang talino ni Sr. Aminado naman po ang mga taga suporta at mga handler niya.

Ang masama lamang po alam na natin ngunit wala po tayong pakialam. Nakapagdesisyon na po tayo at tapos na po ang boksing. Hindi po basketbol ang halalan, hindi po ito isang laro. Ngunit, marahil po, kasi matagal na po tayong pinaglalaruan at binobola ng mga trapong politiko na sila lamang ang patuloy na yumayaman at tayong mga bumoboto sa kanila ang patuloy na naghihirap.

Opo tapos na po boksing. Kaya po mahirap pa rin ang ating bansa ay dahilan sa napakarami po sa atin ay hindi mabuting mamamayan at hindi bumoboto ng tama.

Gumising Na Po Tayo

Mayroon naman po tayong sariling isip. Pagnilay-nilayan po natin amg mga isyu. Pag-aralan po natin kung sino ba talaga ang dapat pang ihalal o hindi na. Ipagdasal po natin kung sino ang ating iboboto at hindi lamang kung sino ang nakaugalian na o itinutulak ng ating mga katoto.

Huwag na po tayong maging mga bobotante at huwag po natin ibenta ang ating boto.

Gising!

At manood po tayong lahat ng debate para mapag-isipan po natin kung sino ang dapat ihalal. Sayang sana po ay magbago pa ang isip at dumalo rin ang ayaw dumalo para magkaalaman na. Malaking kumpromiso po ito para sa buong sambayan. Taong bayan po ang boboto, wala na pong dapat na mas mahalaga pa sa debateng ito. 


News: Will Not Attend Comelec Debate

Monday, March 7, 2022

PATAFA at SBP

 

Nakakatawang nakaka awa po talaga ang Pilipinas.

Puwede na bang palitan ang pangalan ng PATAFA ng PATAWA.

At palitan na rin po natin ang SBP. Tawagin nating ESP.

Parehong walang kuwentang ahensiya. Ang PATAWA po inalis si EJ Obiena sa SEA Games. Si EJ  lang naman ang may hawak ng record sa pole vault sa buong Asya. Sure win na po, magiging bato pa.


Puso

Ang ESP naman ay may malabong crystal ball yata at mukhang di nakikita ang madilim na kapalaran ng bansa sa basketball. 

Ibinalik po nila si Coach Chot Reyes at ang pinaglumaan nilang style sa basketball na alam na po natin na di na oobra sa FIBA.

Di lang Puso kailangan din ng Isip

Ang nakakapanghinayang pa naman ay nakita na po ng mga Pilipino fans na maganda na ang takbo ng sistema ni Tab Baldwin at bakit hindi na lang tinuloy ang programa nang naumpisahan ni Coach Tab, lalong lalo na po na sa Pilipinas gagawin ang FIBA World Championship sa isang taon.

Hindi po ba maaaring ipagpaliban ang pulitika, pride at kung ano ano pang di pagkakaintihan para sa kapakanan ng bayan at sports sa bansa?

Ganito na ba talaga kababa ang tingin ng pamumuno ng PATAWA at ESP sa mga Pilipino?

Gumising na po sana sila.

Tuesday, March 1, 2022

Pag-asa Ng Bayan

Kabataan 1900s, High School Students, 9gag.com

Para Sa Ating Mga Kabataan

Ang sabi ng pambansang bayani ng Pilipinas ay ang kabataan po ang pag-asa ng bayan. Ngunit sa nakikita natin sa mga komento sa social media ay mukhang hindi po maganda ang inaasahang pag-asa o kinabukasan ng bayan.

Marami sa ating mga kababayan ay edad 26 po at pababa. Noong 1986 Edsa Revolution hindi pa po sila naipapanganak. Samakatuwid yung mga 26 po ngayon ay mga sampung taon pa lang po ang edad ng kanilang mga magulang noong 1986. 

Dalawang henerasyon na po ang walang alam kung ano talaga ang Edsa, maliban na lamang sa naikuwento ng kanilang mga lolo't lola na nabuhay noong 1960s. 

OFWs

Ang mga kabataan natin ngayon ay mga anak at apo na po ng mga OFW na nag-umpisang humanap ng ikabubuhay ng kanilang pamilya sa ibang bansa noong 1970s. Bakit? Wala kasing hanapbuhay sa Pilipinas. 

Bago pa mag Edsa, mahirap na po ang buhay sa Pilipinas. Hindi ito nag-umpisa noong 1986, lumala na lamang po ang malala nang sitwasyon.

Kung iisipin ninyo maraming mga taga Ilocos ang lumipad na po papuntang Hawaii, Guam, America at ibat-ibang lugar matagal na matagal na pong panahon, at sa panahon rin po ng dating Pangulong Marcos.

Sa ibang bansa na sila nanirahan. Bakit po kaya? Kasi po maunlad ang Pilipinas? Yan po ang press release, mga haka-haka o naikuwento sa mga hindi po nakaka-alam. Pero bakit po sila nagsi-aalis kung maayos na po ang buhay nila? 

Lee Kuan Yew

Si Lee Kuan Yew po ay kasabayan ng Presidente Marcos. Siya po ang Punong Ministro ng Singapore noon. Mahirap pa sa daga ang Singapore noon 1960s. At wala po silang natural resources. Pilipinas po ay isa sa mga pinakamayaman sa Asya noong panahong iyon. Mahirap din po ang South Korea at Taiwan noon. 

Napaunlad po ni Lee Kuan Yew ang Singapore hawak ang kamay na bakal mula 1965 hanggang 1990. Samantalang sa kamay na bakal ni Marcos, napalubog naman po niya ang Pilipinas mula 1965 hanggang 1986. Hindi po ito biro. 

Madali itong malaman kahit po igoogle ninyo. 

Napakatalino po ni Pangulong Marcos at maayos pa ang Pilipinas noong mga unang taon ng panunungkulan niya ngunit noong huli ay hindi na po maitatanging naging corrupt na po ang mga nakapuwesto at hanggang mag martial law na po dahil sa mga nagtatangkang maka-agaw ng kapangyarihan at dahilan din po ayaw nang umalis ang mga nakapuwestong nagpapayaman.

Lee Kuan Yew and Ferdinand Marcos Compared

1986

Noon 1970s at halos lahat na ng mamamayang Pilipino ay naghirap at noong mga unang taon ng dekada 80 ay sukdulan na ang hirap ng ordinaryong mamamayan, habang patuloy naman ang pagyaman ng mga nasa gobyerno at ng mga elitists and cronies at yan na po ang naging mitsa ng Edsa noong 1986.

Pagkaraan ng 1986 nagbago po ang tingin ng buong mundo sa Pilipinas, pinuri po ang mga Pilipino ng maraming bansa, naging magandang modelo po ng pagbabago. Ang sambayanan nagbago rin po. Naging mga mabubuting mamamayan. Nagbabayad ng tamang buwis, sumusunod sa mga batas, dahil naisip nila na eto po na ang pagkakataon. Ngunit nakita nila na cancer na po ang nakawan at katiwalian sa bayan. Nakasanayan na po ito ng mga trapo at ng mga namumuno sa iba't-ibang ahensiya ng gobyerno. Iilan-ilan lang ang yumayaman at nakikinabang sa bansa, samantalang ang nakararami ay naghihikahos.

Bumalik na lang sa dating gawi ang mga taong bayan. Nawalan na ng gana ang mga Pilipino at tinanggap na wala naman pong pagbabagong nangyari. Lumalala na lamang po ang kalagayan ng malala nang ekonomiya ng bansa.

Nag give up na tayo, dahilang salot na po sa lipunan ang graft and corruption at palakasan, lagayan at pandaraya sa eleksyon at mga bobotanteng patuloy pong nagbebenta ng kanilang boto at ibinoboto ang mga trapong politiko. Yan po ang katotohan. 

Nag Abroad Na

Mas lalo na naging mang-mang ang mga kabataan natin sa dahilang nagsi-alisan na po ang mga mahuhusay, matatalino at magagaling nating mga guro simula pa ng 1970s. Ang mga nurse at doktor po natin, nagsi-alis na rin. Ang mga engineer at mga IT professionals lumarga na simula po ng 1980s. At nag Saudi, Hong Kong, Singapore at nag Japayuki na rin po ang mga ibang wala nang ibang mahanap ng trabaho. 

Hindi na naalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na naiwan kasi dahil nasa ibang bansa na po sila, mga bagong bayani na simula pa po ng 1970s.

2020s

Kung nasa abroad kayo ngayon bilang OFW, expat o immigrant o nasa Pilipinas kayo ngunit hirap na hirap sa buhay, at masamang masama ang loob ninyo sa mga namumuno sa Pilipinas, ay dapat lamang po. 

Ngunit ang kailangan nyong malaman kung hindi nyo pa po alam ay epekto na lamang ito ng bansang nalubog sa utang, pangungurakot at maling pamamalakad na nag-umpisa po ng 1960s, nagtuloy sa 1970s at sumabog na sa 1980s. Lahat po ng ating karatig bansa ay naka-ahon po sa kahirapan nila, maliban lang po sa atin, naunahan pa po tayo ng mga bansang mas mahirap pa sa atin noong 1950s at 1960s.

Kung ayaw nyo maniwala, wala na po tayong magagawa. 

Kung nagtutulog-tulugan pa rin kayo sa katotohanan ay sana po magising na po tayo.

Kung nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan kayo ay wala pong gamot diyan.

Kung patuloy tayong boboto ng mga trapong politiko, tuloy lang po ang kalagayan ng bansa. Hindi kayo yayaman sa pagboto ng mga trapo, sila lamang ang patuloy na yayaman, subok na po yan. 

Ang pag-asa po ng bayan ay kayo pong mga kabataan. Gumising na po tayo!

Ang Daming Sinayang Na Panahon

  Gilas Program Ang SBP at ang PBA ang daming sinayang na player at panahon. Napuno na mga taga suporta nila. Sayang di kasi sila nakinig...

Popular Posts